BIR: Mga pekeng sigarilyo na may pekeng tax stamps nagkalat na sa Metro Manila
Kinumpiska ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang higit sa kalahating milyong pakete ng mga sigarilyo na nilagyan ng mga pekeng BIR stamps.
Unang sinalakay ng mga tauhan ng BIR National Office Strike Force Team ang isang bahay sa Don Manuel Agregado st. Brgy. Sto. Domingo sa Quezon City Biyernes ng gabi.
Dito ay nakakuha sila ng 600 mga kahon ng pekeng sigarilyo na may mga pekeng BIR stamps.
Sa kabuuan ay nagkakahalaga ng P105 Million ang buwis na dapat ay binayaran ng may-ari ng nasabing kargamento ayon pa sa BIR.
Sinabi ng mga tauhan sa sinalakay na bahay na wala doon ang may-ari ng nasabing mga kontrabando na ngayon ay tinutugis na ng mga otoridad.
Kaninang madaling-araw ay isang bahay naman sa kahabaan ng Cabatuan street sa Caloocan City ang sumunod na nilusob ng mga otoridad.
Doon ay nakakumpiska sila ng 500 kahon ng mga pekeng sigarilyo na mayroon ring mga pekeng BIR stamps.
Kung dumaan sa legal na proseso ay sinabi ng BIR na aabot sa P87 Million ang buwis na dapat na binayaran ang may-ari ng nasabing kargamento.
Dahil sa mahigpit na pagbabantay ng BIR sa mga pekeng sigarilyo dito sa Metro Manila ay malaki umano ang posibilidad na dalhin na lamang sa mga lalawigan ang nasabing mga pekeng produkto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.