Bagyong Tomas, mananatili sa PAR hanggang Miyerkules

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Bagyong Tomas na pumasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) alas-8:00 kagabi.

Sa 4am weather advisory ng ahensya, huling namataan ang bagyo sa layong 1,400 kilometro Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 145 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 180 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito sa pa-Hilaga sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Bagaman nasa typhoon category o may kalakasan, wala pa itong direktang epekto sa bansa at maliit ang tyansang tumama sa kalupaan.

Inaasahang magtatagal sa karagatang sakop ng bansa ang Bagyong Tomas ng apat na araw o lalabas sa araw pa ng Miyerkules.

Mapanganib ang paglalayag sa northern at western seaboards ng Northern Luzon dahil sa Hanging Amihan.

Ngayong araw, inaasahan ang maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley Region dahil sa hanging Amihan.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa kabilang na ang Metro Manila ay magiging maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan na mararanasan dahil sa localized thunderstorms.

Read more...