Sinagot ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang paratang ni Pangulong Rodrigo Duterte na may isang ‘Bishop David’ na nagnanakaw ng mga donasyon sa simbahan at ginagamit para sa sariling interes.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Bishop David na siya lang ang nag-iisang ‘Bishop David’ sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at maaaring nalito lamang si Duterte at iba ang tinutukoy nito.
Sa isang talumpati noong Huwebes sa Cavite, sinabi ng pangulo na may video siya na magpapatunay na ginagamit ng isang ‘Bishop David’ ang mga donasyon para sa kanyang pamilya.
Depensa ni Bishop David, kahit kailan ay hindi siya tinuruan ng kanyang mga magulang na magnakaw.
Nagpasaring ang obispo sa pangulo sa pagsasabing minsan, ay hindi talaga alam ng mga taong may sakit ang kanilang sinasabi kaya’t kailangan silang intindihin.
“You see, people who are sick sometimes do not know what they are talking about, so we should just bear with them,” ani Bishop David.
Bukod sa pagiging bise presidente ng CBCP, kilala si Bishop David sa mga programang ipinatutupad nito sa Diocese of Kalookan lalo na para sa mga mahihirap at mga drug users.
Inilunsad ni David ang isang community-based drug rehabilitation program na nagbibigay ng bagong-buhay sa mga drug users at pushers sa Caloocan, Navotas at Malabon.
Makailang beses na binatikos ng obispo ang kabi-kabilang pagpatay na inuugnay sa war on drugs ng gobyerno.
Naniniwala siyang ang adiksyon sa droga ay isang sakit na kailangang gamutin.