Dating mayor ng Isabela inabswelto sa kasong graft ng Sandiganbayan
Inabswelto sa kasong graft ng Sandiganbayan si dating Luna, Isabela Mayor Manuel Tio.
Sa 21-pahinang desisyon ng Sandiganbayan 2nd division, bigo ang prosekusyon na patunayan na guilty beyond reasonable doubt si Tio.
Ipinag-utos na din ng Sandiganbayan na ibalik kay Tio ang bond na ibinayad nito at bawiin ang hold departure order laban sa kaniya.
Sa reklamo ng Ombudsman laban kay Tio, pinaburan umano nito ang pag-aaring gasoline station ng anak niyang si Margaret at doon binili ng local government ang gasolina para sa Agrarian Reform Communities Road Maintenance Project.
Ayon sa prosekusyon umabot sa P305,841 ang halaga ng kontrata na hindi umano dumaan sa public bidding.
Pero sa depensa ni Tio, hindi umano kailangan ang public bidding sa mga kontrata ng local government na hindi lumalagpas sa P50,000 ang halaga.
Ani Tio ang mga biniling gasolina ay nasa P1,000 hanggang P2,000 lang ang presyo.
Maliban dito, ang Automate Gas Station na pag-aari ng anak niya ang tanging gasolinahan lamang sa lugar na pumayag na makabili sila ng gasolina nang utang at ito lang ang nag-iisyu ng sales invoices.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.