Bagyong papangalanang ‘Tomas’ nasa typhoon category na

Patuloy na lumalayo sa bansa ang Bagyong Samuel at inaasahang tatama na sa Timog ng Vietnam.

Sa 4am weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa 795 kilometro Kanluran ng Southern Luzon at wala nang epekto sa bansa.

Samantala, ang bagyong may international name na ‘Man-yi’ naman ay nasa layong 1,400 kilometro Silangan ng Southern Luzon.

Taglay ng bagong bagyo ang hanging aabot sa 145 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 180 kilometro kada oras.

Nasa Typhoon Category na ang bagyo at inaasahang lalakas pa dahil ito ay nasa katubigan.

Kumikilos ito pa- Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras at inaasahang papasok ng PAR bukas ng gabi o madaling araw ng Linggo.

Hindi man nakikitang papasok ito ng bansa ay makakaapekto ito sa karagatan sa Silangang bahagi ng bansa.

Ngayong araw, northeast monsoon lamang ang nakakaapekto sa bansa.

Dahil sa hanging Amihan, mararanasan ang maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Ilocos Norte at Apayao.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa ay maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga pag-ulang dulot ng localized thunderstorms.

Read more...