Senador Recto muntik nang makasama sa mga sakay ng bumagsak ng chopper sa Tarlac

Nakaligtas si Senador Ralph Recto mula sa pagbagsak ng isang chopper sa isang military camp sa Tarlac.

Sa hindi masabing dahilan ay sumakay si Recto sa ibang chopper papunta sa Crow Valley sa bayan ng Capas.

Nagpasalamat naman ang senador na ligtas ang mga pasahero ng Sokol helicopter na nakita niya mismong bumagsak sa bangin.

Mabuti anya na walang casualties at mahusay ang ginawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pag-rekober ng mga biktima na kinabibilangan ng ilang kongresista.

Ayon sa staff ng senador, pumunta ito sa military reservation camp para saksihan ang live fire drill na bahagi ng military exercise na gagawin sa lugar.

Si Recto, na isang reservist, ay sasakay sana sa bumagsak na Sokol helicopter pero hindi ito natuloy at sa ibang chopper ito sumakay.

Kabilang sa sugatang pasahero ng chopper si Coop-NATCCO party-list Representative Anthony Bravo.

Sugatan din sina House Secretary General Cesar Pareja; Baltazar Reyes; Colonel Arthur Baybayan, ang sergeant-at-arms ng Commission on Appointments; Daisy De Lima; Romeo V. Almonte; 1st Lieutenant Melvin Betia at Edilberto M. Mandap.

Ayon kay Pareja, nagtamo ng head injuries ang piloto habang nabalian ng braso ang crew ng chopper.

Bumagsak anya ang chopper habang pa-landing na sa Crow Valley

Sa report na nakaabot sa Camp Crame, pababa ang helicopter na PZL W-3 Sokol sa landing deck nang mawalan ng kontrol ang piloto at nahulog ang chopper sa kalapit na bangin.

Read more...