Isang obispo inakusahan ni Pangulong Duterte ng pagnanakaw sa Church donations
Inaakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang obispo ng pagnanakaw sa mga donasyon sa Simbahan na anya’y ginagamit nito para sa pansariling interes.
Sa inagurasyon ng Cavite Gateway Terminal sa Tanza, Cavite, sinabi ni Pangulong Duterte na may videos siya na magpapatunay na isang ‘Bishop David’ ang kumukuha ng mga donasyon at dinadala ang mga ito sa kanyang pamilya.
“Ikaw, David, tumahimik ka ha. Sige ka lang hingi ng contribution diyan sa mga… Saan ang pera ng mga tao? Sige lang hingi, may second collection pa,” ayon sa pangulo.
“Alam mo totoo lang, sabihin ko sa inyo, iyong mga offerings, iyong mga pinya, mga avocado, saging, saan napupunta iyan? Gusto ninyong malaman? Gusto ninyo ng video? Ibigay ko sa inyo. Doon sa pamilya niya,” dagdag ni Duterte.
Hindi naman isiniwalat ni Duterte ang buong pagkakakilanlan ni ‘Bishop David’.
Isa sa mga obispo at kritiko ng administrasyon ay may pangalang ganito tulad ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Si Bishop David ay nagpatupad ng mga reporma sa Diyosesis ng Kalookan lalo na sa pagbibigay tulong sa mga bilanggo at mahihirap sa pamamagitan ng ‘corporal works of mercy’.
Samantala, bukod sa birada sa mga obispo ay tinira naman ni Duterte ang konsepto ng impyerno kung saan dito napupunta ang mga hindi nagsisi batay sa Katoliko-Kristiyanong pananaw.
Makailang beses nang inatake ng pangulo ang Simbahang Katolika at ang mga katuruan nito at pinakakontrobersyal ang pagtawag niya sa Diyos na ‘stupid.’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.