Chinese national na biktima ng chop-chop natagpuan sa Makati City

Contributed photo

Natagpuan ang putol-putol na bahagi ng katawan ng isang babaeng Chinese national sa loob ng isang condominium sa Barangay Bel-air, Makati City.

Kinilala ang biktima na si Wang Yalei, 26 taong gulang.

Habang ang mga persons of interest naman ng mga otoridad sa krimen ay mga kapwa nito Chinese nationals na sina Zhang Chuning, Zhang Cha Quan, Wang Xue, at Zhang Yi Xi.

Batay sa pagsisiyasat ng mga otoridad, nakita ng housekeeping personnel ang isang nylon bag na naglalaman ng duguang damit at kutsilyo.

Dahilan ito upang pag-aralan ng security personnel ang CCTV footage sa lugar, kung saan kanilang nakita ang apat na mga persons of interest na hawak ang bag mula sa isa sa mga unit ng condo.

Agad na nagtungo sa unit ang mga security guard kung saan kanilang nakita ang apat.

Sa paghalughog sa kuwarto ay nakita nila ang isang maleta na naglalaman ng chop-chop na katawan ng biktima.

Natagpuan sa hiwalay na paper bag ang mga putol na braso ng Chinese national at sa isa pang bag ang pugot nitong ulo.

Nabatid na nagkagusto umano ang biktima sa kasintahan ng suspek na dahilan ng pamamaslang.

Patuloy ang pagsisiyasat ng mga otoridad tungkol sa karumal-dumal na insidente.

Read more...