Draft ng federal constitution muling tinatalakay sa Kamara
Muling isinalang sa debate sa plenaryo ng Kamara ang revised draft federal constitution na inaprubahan ng House Committee on Constitutional Amendments.
Ayon kay Leyte Representative Vicente Veloso, pinuno ng komite, ang ginagawa nilang pagtalakay sa plenaryo ng Kamara ay bilang constitutional assesmbly upang amyendahan ang 1987 Constitution.
Sa inaprubahang draft ng konstitusyon, magiging apat na taon na ang isang termino ng mga halal na opisyal kabilang ang kongresista, senador, at pangulo.
Ang pangulo ay maaaring muling iboto sa ikalawang termino habang aalisin naman ang term-limit ng iba pang opisyal.
Nakasaad din dito na kailangang college graduate ang mga tatakbo sa pagka-kongresita, senador, bise presidente, at pangulo.
Ang running mate naman ng mananalong pangulo ang otomatikong magiging bise presidente.
Gagawin din sa ilalim ng bagong saligang batas na two-party system na lamang sa bansa.
Sa ilalim din ng draft constitution na mananatili ang presidential form ng gobyerno pero ang Kongreso na ang magdedesisyon sa pagbuo ng federal states.
Ang Mababang Kapulungan ay bubuuin ng hindi bababa sa 300 mga kinatawan.
Mananatili rin sa ilalim ng pangukalang pagpapalit ng konstitusyon ang Senado at ang mga senador ay ihahalal mula sa buong bansa tulad rin ng sa partylist.
Dating naibalik sa committee level ang draft na ito bago nag-Undas break ang sesyon noong Oktubre para baguhin ang line of succession provision upang ibalik dito ang bise presidente sa paghalili sakaling mamatay, mag-resign, o ma-incapacitate ang pangulo ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.