Viral ngayon sa social media ang isang litrato ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar kasama ang isang Chinese official noong Martes.
Sa mga posts na kumakalat sa social media, sinasabing pinagalitan umano ng Chinese official si Eleazar dahil sa hindi nito pagpigil sa mga raliyestang nagsagawa ng kilos protesta sa labas ng konsulada ng China kasabay ng pagdating sa bansa ni Chinese President Xi Jinping.
Sa isang text message na ipinadala ni Eleazar sa mga kawani ng media, nilinaw nito na ang naturang litrato ay kuha sa Luneta Park at hindi sa labas ng Chinese Consulate sa Makati City.
Ani Eleazar, hindi rin siya pinagalitan ng opisyal at sa katunayan ay nagpasalamat ito dahil sa magandang security arrangement para sa pangulo ng China.
Dagdag pa ni Eleazar, hindi galit ang Chinese official. Nakakunot lamang aniya ang noo nito dahil maaraw ng mga panahong iyon.
Ayon pa sa hepe ng NCRPO, hindi nga tinanong ng dayuhang opisyal ang tungkol sa rally sa labas ng Chinese Consulate ngunit pinaalam niya na hinayaan niyang magrally ang mga ito basta’t hindi sila lalapit sa mga rutang dadaanan ni Xi.
Kasabay nito ay nagpaalala si Eleazar sa mga netizens na umiwas sa pagpapakalat ng fake news dahil posible silang makasuhan ng cyber liber alinsunod sa Anti-Cyber Crime Law.