Pagawaan ng pekeng pera sinalakay sa Cebu

philippine-peso
Inquirer file photo

Sinalakay ng magkasanib na pwersa ng pulisya at mga tauhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang isang pension house sa Cebu City na sinasabing pagawaan ng pekeng pera sa lungsod.

Sa bisa ng isang search warrant, pinasok ng mga otoridad ang kuta ng magkapatid na sina Salvador at Buddy Brylle YbaƱez na matatagpuan sa Brgy. Sikatuna Parian Cebu City.

Sinabi ni SPO1 Raquel Camay ng Cebu City PNP, matagal din nilang inimbestigahan ang source ng mga pekeng pera na nagkalat sa lungsod.

Sa tulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ilang informants at natukoy nila ang kuta ng mga suspect.

Sa isinagawang raid ay nakarekober ang mga otoridad ng ilang piraso ng pekeng P500 bills at makina na ginagamit sa pag-imprenta ng pekeng pera.

Sa paunang impormasyon ng mga otoridad, ibinebenta umano ang mga pekeng P500 sa halagang P100 kada isa.

Malaki rin ang hinala ng mga tauhan ng BSP na gagamitin ang mga pekeng salapi bilang pambayad sa mga botante sa araw ng eleksyon.

Pinayuhan din ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang publiko na busisiing mabuti ang mga perang hawak habang nagpapatuloy naman ang kanilang imbestigasyon sa mga nasa likod ng ganitong uri ng sindikato.

Read more...