Patay ang anim na hinihinalang holdaper sa shootout na naganap sa bayan ng Lal-lo sa lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sa hepe ng Lal-lo police station na si Chief Inspector Ramon Macarubbo, naganap ang engkwentro alas 9:30 ng gabi ng Martes, Nov. 20.
Nakatanggap umano sila ng sumbong hinggil sa ginawang pangho-holdap ng mga suspek kaya agad silang nagkasa ng follow up operation.
Nailahad din ng saksi ang kulay at plaka ng sasakyang ginamit sa pagtakas ng mga suspek kaya nang makita ito sa isang checkpoint ay agad itong pinara ng mga otoridad.
Pero ayon kay Macarubbo, sa halip na huminto ay nagpaputok ng baril ang mga suspek dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng anim na suspek.
Hinihinalang miyembro ang mga ito ng “Hener Dunag” robbery group. Naaresto ang isa sa mga suspek na kinilalang si Reyes Puyao Bulawit.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga nasawing suspek.