Batas na nag-uutos ng paggamit ng malaking plaka para sa motorsiklo aprubado na sa Kamara

Lusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na nag-oobliga ng paggamit ng mas malaking license plate at identifications marks sa motorsiklo para maiwasan itong magamit sa krimen.

Sa botong 219-0, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 8419 na nagmamandato sa Land Transportation Office (LTO) na mag-issue ng mas malaking license plate sa motorsiko kung saan malaki ang alpha-numeric characters nito at madaling mabasa ang letra hanggang sa layong 12 meters.

Sa ilalim ng bill ay otorisado ang LTO na mag-maintain ng registry ng mga motorsiklo sa database para ma-retrieve ang impormasyon sa imbestigasyon ng mga otoridad.

Obligado rin ang may-ari ng motorsiklo na ireport sa LTO office na pinakamalapit sa kanilang bahay limang araw makalipas na mabenta ang motorsiklo.

Ang may-ari na hindi ipapaalam sa LTO ang pagbenta ng motorsiklo ay may multang hindi bababa sa P5,000 at hindi lalampas sa P20,000.

Nasa P5,000 din ang multa sa rider na hindi malaki ang plaka ng motorsiklo para sa first offense, P10,000 sa second offense at P15,000 at revocation ng driver’s license sa third offense.

Kailangan namang maglabas ang LTO ng mas malaking plaka anim na buwan matapos ang renewal ng registration ng may-ari ng motorsiklo na may number plate na hindi alinsunod sa probisyon ng batas.

Read more...