50 katao nasawi matapos pasabugin ng isang suicide bomber ang sarili sa Afghanistan
Hindi bababa sa 50 katao ang nasawi matapos atakihin ng isang suicide bomber ang pagsasama-sama ng mga Islamic scholars para sa kaarawan ni Propeta Muhammad sa Kabul, Afghanistan.
Ayon kay Public Health Ministry spokesperson Wahid Majroh, bukod sa mga nasawi, 83 pa ang sugatan dahil sa insidente.
Mula aniya sa naturang bilang, 20 ang nasa kritikal na kundisyon.
Sa ngayon ay wala pang umaako sa pag-atake ngunit mayroong posibilidad na ang Taliban o mga affiliate group ng ISIS ang nasa likod ng insidente dahil mangilang beses na nilang tinarget ang mga religious scholars.
Dahil sa naturang pag-atake, nakasarado na ang mga kalsada papunta sa pinangyarihan ng insidente.
Samantala, tinawag naman ni Afghan President Ashraf Ghani ang pambobomba bilang pag-atake sa mga turo ng Islam at maging sa mga tagasunod ni Muhammad.
Kinundena rin ni Pakistani Prime Minister Imran Khan ang insidente at kasabay nito ay nagparating siya ng pakikiramay sa mga kamag-anak ng mga nasawi.
Makailang beses nang inakusahan ng pamahalaan ng Afghanistan at Estados Unidos ang Pakistan sa pagkakanlong umano sa mga teroristang Taliban. Ngunit mariin itong itinanggi ng nasabing bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.