3 patay sa magkakahiwalay na police operations sa Bulacan

By Justinne Punsalang November 21, 2018 - 03:21 AM
Contributed photo

Naging madugo ang magdamag sa lalawigan ng Bulacan matapos tatlong operasyon ng mga pulis ang nauwi sa engkwentro na ikinasawi ng tatlong mga suspek.

Sa unang operasyon ng mga otoridad sa Barangay Bayugo sa Meycauyan, Bulacan, napatay ang isang drug suspek habang arestado naman ang dalawa nitong kasamahan.

Kinilala ang nasawing suspek na si Jayson Samonte na kabilang sa binabantayang tulak ng droga sa naturang barangay.

Ang mga naaresto naman ay sina Zenaida Enemido at Bernadita Olivares.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .38 revolver at limang sachet ng shabu.

Samantala, nasawi si Jovan Magtanong na Top 4 sa binabantayang drug suspek sa Barangay San Rafael, San Jose Del Monte.

Ayon sa mga otoridad, nakatunog si Magtanong na pulis pala ang kanyang katransaksyon kaya naman binunot nito ang kanyang kalibre .38 revolver at unang nagpaputok.

Gumanti ng pagbaril ang mga pulis na ikinasawi ng suspek.

Sa kaparehong barangay ay napatay rin si Alvin Sape alyas Bino na Top 6 naman sa binabantayan ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).

Napansin rin umano ni alyas Bino na pulis pala ang kanyang katransaksyon dahilan upang pagbabarilin nito ang kanyang kalibre .38 revolver.

Gumanti ng putok ang mga otoridad na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang hindi pa batid na bilang ng mga shabu.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.