Kaugnay sa gaganaping Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa susunod na linggo ay pinaglalatag ng Office of the Court Administrator ng skeletal force ang mga hukuman sa Metro Manila na mag-ooperate mula November 17 hanggang November 20.
Sa isang pahinang circular na pirmado ni Court Administrator Jose Midas Marquez, ang kautusan ay salig na rin sa deklarasyon ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na manatiling bukas ang mga hukuman sa nabanggit na mga araw na idineklarang walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno.
Kaugnay nito, inatasan ni Marquez ang mga Executive Judge sa mga first at second courts sa National Capital Judicial Region na maglatag ng skeletal force sa Office of the Clerk of Court.
Dapat din umanong magtalaga ng mga on-call judges na tutugon sa mga mahahalagang bagay sa nabanggit na mga araw.
Nauna dito, sinabi ni Chief Justice Serreno na hindi dapat maapektuhan ng APEC summit ang trabaho ng hukuman lalo na ang pagbibigay ng hustisya sa mga nangangailangan nito.