PNoy umaasa ng resolusyon sa Maguindanao Massacre bago bumaba sa pwesto
Umaasa pa rin si Pangulong Noynoy Aquino na mareresolba sa ilalim ng kanyang administrasyon ang naganap na Maguindanao Massacre noong November 23, 2009 na ikinamatay ng 58 katao.
Sinabi ni Presidential Deputy Spokesperson Abigail Valte na batid ng Pangulo na kakaunti na lamang ang natitirang araw ng kanyang administrasyon pero gusto raw nitong maihabol ang kaso sa mga nasa likod ng nasabing pamamaslang.
Ipinaliwanag ng opisyal na umaasa ang Pangulo na umabot kahit man lamang sa Regional Trial Court level ang nasabing kaso sa ilalim ng kanyang pamahalaan.
Pero kanya ring nilinaw na batid nila na ito ay depende sa magiging appreciation ng hukuman sa kaso.
Magugunitang tinawag ng Committee to Protect Journalists (CPJ) na pinaka-delikadong lugar para sa mga mamamahayag ang Pilipinas dahil sa nasabing massacre na ikinamatay ng may tatlumpu’t apat na mga miyembro ng media.
Hanggang sa kasalukuyan ay mailap pa rin ang hustisya sa mga biktima bagama’t hawak na ng pamahalaan ang mga itinuturong nasa likod ng krimen sa pangunguna ng namatay na rin na si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr.
Umaasa rin ang pamahalaan na malalambat na ng mga otoridad ang iba pang mga suspect sa naganap na pamamaslang kung saan ay nakatakdang gunitain ang ika-anim na anibersaryo sa darating na November 23.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.