Tiniyak ni Pangulong Noynoy Aquino sa mga bumisitang opisyal ng Chinese Foreign Ministry sa Malacanang na makatatanggap ng mainit na pagsalubong mula sa mga Pinoy si Chinese President Xi Jinping.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma na mismong ang Pangulo ang nagbigay ng pahayag kay Chinese Foreign Minister Wang Yi sa ginawa nilang courtesy call sa Palasyo ng Malacanang.
Kinumpirma rin ni Coloma na pangungunahan ng Pangulo sa mga susunod na araw ang pag-iinspeksyon sa mga lugar na tutuluyan ng mga APEC delegates at sa mga lugar na pagdarausan ng mga pagpupulong.
Gustong makatiyak ng Pangulo na magiging plantsado ang lahat hanggang sa kaliit-liitang mga detalye ayon kay Coloma.
Nauna dito ay nagbibigay na rin ng araw-araw na report kay Pangulong Aquino ang security cluster bilang bahagi ng preparasyon sa APEC summit.
Sa pinakahuling report na inilabas ng Philippine National Police, wala silang namomonitor na anumang banta kaugnay sa gaganaping APEC summit maliban na lamang sa mga inaasahang kilos-protesta.