NDFP officials hindi aarestuhin ayon sa Malakanyang

Inquirer file photo

Walang dapat na ipag-alala sina National Democratic Front of the Philippines (NDFP) chief negotiator Fidel Agcaoili at senior adviser Luis Jalandoni sa posibilidad na arestuhin sa bansa.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, dapat lamang mangamba ang dalawa kung guguho ang mga paunang hakbang sa posibilidad ng pagbabalik sa usaping pangkapayapaan.

Nakatakda sanang umuwi ng bansa mula sa The Netherlands ang dalawa para kausapin sina Panelo at Presidential peace adviser Jess Dureza subalit nakansela dahil sa banta ni DILG Secretary Eduardo Año na maaring maaresto ang mga opisyal ng NDFP dahil sa standing na warrant of arrest bunsod ng kasong rebelyon.

Ayon kay Panelo, hindi naman aarestuhin ang dalawa kung ang layunin lanang ng mga ito ay makipag-usap sa gobyerno.

Iginiit pa ni Panelo na malinaw ang marching order sa kanila ng pangulo na kausapin ang rebeldeng grupo at himukin na maglatag ng magandang rason para bumalik ang gobyerno sa negotiating table.

November 2017 nang pormal na kanselahin ni Pangulong Duterte ang peace talks sa rebeldeng grupo.

Read more...