Sinalakay ng mga miyembro ng New People’s Army ang Philippine Coast Guard Detachment na matatagpuan sa Brgy. Guijalo Caramoan Camarines Sur.
Sa kanyang report na ipinadala sa Camp Crame, Sinabi ni PNP Camarines Sur Provincial Director Sr. Supt. Walfredo Fornillos na walong armadong NPA members ang pumasok sa PCG detachment.
Tinangay ng mga rebelde ang isang M16 rifle, isang base radio, dalawang handheld radio, mga uniporme at ilang mga dokumento.
Nabigla ang nag-iisang tauhan sa detachment na si Senior Navy 1 Miguel Ravago kaya hindi na niya nagawang makipagbarilan sa nasabing mga rebelde.
Bukod sa walong kalalakihang pumasok sa PCG detachment, dalawampung mga rebelde rin ang nagsilbing blocking force habang ginagawa ang panloloob.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up operations ng mga tauhan ng PNP para tugisin ang mga nasa likod ng nasabing pagsalakay.
Kaugnay sa nasabing pangyayari, kaagad na itinaas ng Philippine Coast Guard ang alert level sa lahat ng kanilang detachment sa iba’t-ibang panig ng bansa.