AFP Chief Galvez gustong maging consultant ng OPAPP
Nagpahayag ng interes si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Carlito Galvez, Jr. na maging consultant ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) kapag nagretiro na siya.
Sa isang press conference sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Galvez na kinausap na niya si Chief Peace Adviser Jesus Dureza at sinabing gusto niyang maging consultant.
Ibinahagi rin nito na tinanggap naman ni Dureza ang kanyang request.
Ani Galvez, kasabay ng implementasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) ay umaasa sila na makakausap nila ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) upang magkaroon na ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Dagdag pa nito, patuloy ang kanilang pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) at tiwala siyang magiging maayos na ang relasyon sa mga nabanggit na grupo.
Nauna nang naging co-chairman si Galvez ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities sa pagitan ng pamahalaan at MILF.
Sa December 12 ay mararating na ng pinuno ng AFP ang mandatory retirement age na 56.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.