Posible umanong wala ng sapat na oras ang Senado para aprubahan ang panukalang mahigit P3.7 trillion na pambansang pondo sa susunod na taon.
Ito ay kung ipapasa ng Kamara ang budget bill sa November 28.
Ayon kay Senate President Tito Sotto, too late o huli na dahil wala ng sapat na oras ang Senado.
Nangangamba si Sotto na hindi nila matapos ang panukalang 2019 budget sa tamang panahon.
Dapat aniyang mas maagang magsumit ang kamara ng kanilang bersyon.
Itinakda ng House of Representatives sa November 28 ang pag-apruba sa budget bill saka ito ipapasa sa Senado.
Dahil dito ay nangamba rin si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa target approval ng Kamara na lalong magpapahirap sa Senado na aprubahan ito sa December 12.
Magka-cramming na aniya ang mga senador sa pagtalakay at pag-apruba sa General Appropriations Bill kung sa November 28 pa magsusumite ang Kamara at magkakaroon na lang sila ng anim na session days para aprubahan ito.
Imbes na palawigin ang sesyon ng isa pang linggo, ipapanukala ni Zubiri na i-extend ang work week mula Lunes hanggang Biyernes imbes na Lunes hanggang miyerkules lamang.
Nakatakda ang Christmas break ng Kongreso sa December 14.