Pangambang magkakaroon ng reenacted budget sa 2019 pinawi ng liderato ng Kamara

Nanindigan si House Majority Leader Rolando Andaya Jr., na hindi magkakaroon ng reenacted budget sa ilalim ng liderato ni House Speaker Gloria Arroyo.

Ayon kay Andaya, hindi maaring magkaroon ng reenacted budget dahil makakaapekto ito sa pagpapatupad ng mga proyekto at sa government spending lalo pa’t hybrid ang sistema ngayon ng P3.757 trillion 2019 national budget.

100% anya na susunod ang liderato ng Mababang Kapulungan sa rules ng kongreso pagdating sa alokasyon ng mga pondo.

Siniguro din ni Andaya sa Senado na agad isusumite ang 2019 budget sa oras na matapos ang pagsasaayos at verification sa libu-libong line items na mga proyekto.

Nauna ng sinabi ni House Appropriations Vice Chairman Maria Carmen Zamora na target nilang maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang national budget sa November 28.

Read more...