Malacañan, naglabas ng pahayag sa pagdating ni Duterte mula sa ASEAN at APEC
Naglabas ng opisyal na pahayag ang Palasyo ng Malacañang tungkol sa mga aktibidad na dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 33rd ASEAN Summit at 26th APEC Economic Leaders’ Meeting.
Hindi na nakapagbigay pa ng arrival speech ang pangulo pagkarating ng Davao City at agad dumiresto sa kanyang tirahan.
Inalala ng Palasyo kung paanong inihayag ng punong ehekutibo ang sentimyento ng bansa sa agawan ng teritoryo sa South China Sea at maging ang ASEAN-China Common Statement bilang bahagi ng papel ng Pilipinas na maging Country Coordinator para sa ASEAN-China Dialogue Relations.
Nakapulong din ng pangulo sina Singaporean Prime Minister Lee Hsien-Loong at Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa kasagsagan ng ASEAN Summit.
Nagkaroon din ng pagkakataon si Duterte na makausap ang iba pang ASEAN leaders at Dialogue Partners.
Samantala, sa naganap namang APEC Economic Leaders’ Meeting (AELM), dumalo ang presidente sa Economic Leaders’ Meeting at nakapulong din nito ang APEC Business Advisory Council.
Nasulit din ng presidente ang biyahe dahil naharap nito ang Filipino Community sa Port Moresby na pinagdausan ng APEC Meeting.
Ayon sa Malacañang, tagumpay ang pangulo sa pagsusulong sa pambansang interes ng Pilipinas at maging sa paggiit sa key positions ng bansa.
“Throughout the ASEAN Summit and Related Summits and the APEC Economic Leaders’ Meeting, President Duterte continued to advance Philippine national interests and prioritized upholding and promoting the Philippines key positions,” ayon sa Malacañang.
Umani ng kritisismo ang hindi pagdalo ni Duterte sa ilang ASEAN events para makapag-power nap o makaidlip.
Hindi na rin nakadalo ang presidente sa gala dinner ng APEC Summit dahil sa planong maagang pagbalik dapat sa Pilipinas Sabado ng gabi.
Gayunman, nagpasya si Pangulong Duterte ang na tapusin na lamang ang APEC Meeting at lumipad pa Davao Linggo ng gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.