Iloilo, may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong bansa – FDC
Pinakamahal sa buong bansa ang singil sa kuryente ng Panay Electric Company (PECO) sa Iloilo City kung saan nataasan pa nito maging ang distribution utility na Manila Electric Company (Meralco).
Lumabas ito sa isinagawang paghahambing ng electricity rates na isinagawa ng isang non-governmental organization.
Ayon kay Ted Aldwin Ong ng Freedom from Debt Coalition (FDC), taong 2010 nang una silang magsagawa ng comparative study sa singil sa kuryente sa bansa kabilang dito ang siyudad ng Davao, General Santos, Tacloban, Cebu, Bacolod, Iloilo at Maynila, at lumabas na ang Iloilo ang may pinakamataas na singil makalipas ang walong taon. Ngayong 2018 ay nanatiling ang Iloilo City pa rin ang may pinakamataas na presyo ng kuryente.
Batay sa pinakahuling rebyu ng power rates ng FDC na ipinalabas noong August 2018, nabatid na ang mga residente ng Iloilo ay nagbabayad ng P12.0917 per kilowatt hour (kwh) sa kuryente na ibinibigay ng PECO, ang nasabing halaga ay mataas kumpara sa ibinibayad ng mga residente ng Davao City na P10.1228 per kwh sa serbisyo ng Davao Light & Power Co., sa Manila at National Capital Region ng Meralco ay P10.219 per kwh.
Sa Tacloban City ang may pinakamababa na singil na P8.9388 per kwh na sineserbisyuhan ng Leyte Electric Cooperative II habang sa General Santos City ay nagbabayad ng P10.2140 per kwh sa South Cotabato Electric Cooperative II.
Ang residential electricity rates sa Cebu City na ibinibigay ng Visayas Electric Co. ay naniningil naman ng P11.7247 per kwh at sa Bacolod City at P11.8574 per kwh.
Nabatid na ang nasabing pag-aaral ng FDC ang siyang isa sa naging basehan ng House Committee on Legislative Franchises nang magsagawa ito ng public hearings para sa franchise application ng More Electric Power Corp.
Ang mataas na singil din na hindi akma sa ibinibigay na serbisyo ng PECO ang siya umanong dahilan kung bakit nagpasa na ng resolusyon ang Iloilo City Council at nagsumite ng signature campaign na pirmado ng may 29,000 verified residents na humihiling sa Kamara at Senado na tulungan sila sa kanilang sitwasyon sa pamamagitan ng pagbibigay daan na magkaroon ng bagong players na may kakayahan ayusin ang serbisyo.
Sa panig ng More Eelectric and Power Corp (MORE), sinabi ng tagapangulo nito na si Roel Castro na tinitiyak nila sa mga residente ang mas mababang singil sa kuryente sa pamamagitan ng kanilang nakalinyang isagawang pagmodernisa ng kasalukuyang transmission system at network.
Bukod sa mataas na singil sa kuryente, una na ring inangal ng mga consumer at ng City Council ang overcharging ng PECO hanggang 1000 porsyento kung saan lumantad sa Senate hearing noong October 22 ang ilang consumer na nagrereklamo sa PECO kabilang na dito ang isang retired teacher na si Mildred Jaromahum na umaangal na umabot ang kanyang March 2017 electric bill ng P114,375 mula sa dating P3,500 lamang kada buwan sinabi sa kanya ng PECO na magbayad na lang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.