Inilagay umano sa alanganin ni Nicko Falcis ang milyun-milyong pisong endorsement contract ng aktres na si Kris Aquino matapos nitong mag-iwan ng mahigit P1.2 milyong utang sa credit card ng Queen of All Media.
Sa statement ni Aquino, sinabi nitong labag sa nilalaman ng kanyang endorsement contracts ang hindi otorisadong paggamit ni Falcis, dating business manager ng aktres.
Dahil dito, nangangamba si Kris na bawiin ang kanyang mga endorsements sa ginawang paglustay ni Falcis sa kanyang Credit Card.
Inihalinbawa ni Aquino ang P49,600 na halaga ng MAC Cosmetics na binili ni Falcis sa Rockwell, Makati noong May 29 na sinundan noong June 1 sa isa pang MAC Cosmetics Store sa SM Megamall sa Mandaluyong na nagkakahalaga rin ng P49,600 na mga produkto.
Ginawa umano ni Falcis ang mga naturang transaksiyon kung saan inilunsad na ang Ever-Bilena Kris Life Kits na kakompitensiya ng MAC.
Noong Agosto A-Uno ay bumili naman si Falcis ng hindi bababa sa isang libong pisong halaga ng pagkain sa Pancake house Store.
Ang masaklap ay pinagbabawalan si Aquino at mga kumpanya na nasa ilalim ng kanyang pangalan na tumangkilik sa Pancake House dahil kilala siyang endorser ng Chowking.
Una nang inihabla ni Aquino noong Nobyembre 15 si Falcis ng 44 na bilang ng kasong pagnanakaw o Qualified theft at inasunto rin ng paglabag sa Access Devices Regulation Act.