Nag-iikot sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila na sakop ng Mabuhay Lane ang mga tauhan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Unang dinaanan ng Task Force Mabuhay Lane ang bahagi ng Ayala Bridge galing sa Espanya sa Maynila.
May ilang mga pedicab ang hinatak matapos madatnang nakahambalang sa mga kalsada na bahagi ng Mabuhay Lane.
Sa Palanca sa Quiapo Maynila mayroon ding mga nahatak na pedicab.
Kapansin-pansin namang malinis sa mga pedicab at vendors ang bahagi ng Quiapo Maynila, kumpara sa araw- araw na sitwasyon sa lugar.
Bago kasi dumating ang Task Force Mabuhay Lane, may mga taga City Hall na nag abiso sa mga vendors at pedicab drivers na dadating ang mga tauhan ng Task Force.
Nagkaroon pa ng bahagyang tensyon matapos na pumalag ang may-ari ng isang Toyota Innova na hahatakin sana ng tow truck ng MMDA dahil nakaparada sa Mabuhay Lane.
Wala kasi ang driver ng Innova sa kaniyang sasakyan nang kabitan ito panghatak ng mga tauhan ng MMDA, pero bago pa maisagawa ang pag-tow ay biglang dumating ang may-ari.