Sa pulong balitaan sa Papua New Guinea, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez, maaaring iniinda na naman ng pangulo ang pananakit sa spine dulot ng aksidente sa motor may ilang taon na ang nakararaan.
Pero ayon kay Lopez, hindi niya batid ang tunay na dahilan ng hindi pagsipot ng pangulo sa Gala dinner.
Ang malinaw lamang, ayon kay Lopez, ay ang marching order sa kanya na dumalo sa Gala dinner para maging kinatawan ng pangulo.
Paliwanag pa ni Lopez, tama rin lang ang naging pasya ng presidente na hindi dumalo sa Gala dinner kagabi para makapag-ipon ng lakas.
Dahil sa nakapagpahinga niya kagabi ang pangulo, nakadalo na ang punong ehekutibo sa mga nakatakdang pagpupulong sa APEC summit ngayong araw.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na wala nang balak si Pangulong Duterte na dumalo sa ikalawang araw ng APEC summit at sa halip ay uuwi na sa bansa.
Gayunman, nabago ito at nagpasya ng pangulo na manatili pa sa Papua New Guinea.
Alas-kwatro kinse mamayang hapon ay inaasahang aalis na ng Papua New Guinea ang pangulo at darating sa Davao City ng alas-otso y media mamayang gabi.