DTI AT DA., INUTIL VS. MASISIBANG BIYAHERO AT NEGOSYANTE – Sa Wag Kang Pikon! ni Jake Maderazo
Patuloy ang pagbagsak ng presyo ng langis sa buong mundo. Ang Dubai crude na dati’y nasa $80-82/bbl ay nasa $67/bbl samantalang ang Brent crude ay nasa $66/bbl, at West Texas Intermediate sa $65/bbl. Mismong OPEC ngayon ay $65/bbl ang presyo ng krudo. Kaya naman patuloy ang pagbaba dito ng presyo ng gasolina, diesel, gaas at LPG.
Kung susumahin, matindihang naglaro ang mga oil companies sa presyo ng kanilang mga produkto sa nakalipas na 29 na linggo. Sa gasolina, mula Enero hanggang nitong Sabado, ang itinaas nito ay nasa P18.20/L dahil nga sa pagsipa ng global oil prices. Pero ngayon, labing-anim na beses itong nag-rollback sa kabuuang P15.60/L . Kung isasama natin ang panibagong rollback na P1.30/L sa Martes, lilitaw na P1.30/L na lamang ang “net increase”. Kahit paano malaki na ang ibinawi nating P16.90/L mula noong Enero.
Sa Diesel, iba ang kwento dahil P19/L ang kabuuang itinaas. Kung idadagdag ang rollback sa Martes na P1.10/L, papatak na P14.60/L ang kabuuang ibinaba ng presyo nito. Ibig sabihin, mas malaki pa rin ang “net increase” na P4.40/L.
Ang Kerosene ay umakyat din ng P19.25/L simula ng Enero, pero nagkaroon naman ng 17 labing anim na rollback. Kung isasama natin ang bawas sa darating na Martes na P0.90/L sa kerosene, ang kabuuang ibinaba nito ay P13.72/L kayat mas mataas pa rin ang “net increase” sa P5.53/L.
Dito tayo nakabawi sa LPG kung saan pitong beses nag-increase sa kabuuang P12.50/kg mula Enero, pero apat na beses namang nag-rollback na umabot ng P12.67/kg kung saan bawi na tayo kahit maliit lang ng P0.17/kg.
Ano ang epekto dapat ng ganitong mga rollback sa mga presyo ng bilihin? Maliwanag po na tumatabo na ngayon ng pera ang mga manufacturers, traders o biyahero ?. Unang-una rito maliwanag na bumaba ang kanilang mga “delivery costs” lalot mas mura na ang gasolina at diesel. Kasama na rito ang mga “biyahero” ng pagkain, gulay, manok, baboy at baka. Ang presyo sa bagsakan ng mga pagkaing ito ay dapat na bumagsak din dahil mas mura na ang biyahe.
Ikalawa, bumaba din ang gastos sa produksyon dahil bukod sa krudo, bumaba din ang presyo ng kuryente. Kahit mga babuyan at manukan at maging pangingisda ay bumaba rin ang konsumong kuryente at gastos sa krudo.
Kaya nga, dito kukunsensyahin natin ang mga negosyanteng ito. Tingnan niyo naman ang “inflation”, umabot na ng 6.7% karamihan daw niyan ay dahil sa “global oil prices”. Pero ngayong pababa na, bakit mataas pa rin?
Maliwanag na may “manipulasyon” ng masisibang biyahero at mga manhid na negosyante ang dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin. Lalong-lalo ang mga hindi magalaw na mga “biyahero” sa palengke na ngayo’y nagpipista sa kabuuang rollback sa gasolina na P15.60/L at sa diesel ay P13.72/L, pero nagdidikta pa rin ng mataas na presyo ng manok, baboy at gulay sa mga palengke.
Ang malaking problema lalo, ay ang napakabagal at halos pagiging inutil ng DTI at Department of Agriculture sa mga “biyahero” at mga sakim na negosyante na patuloy na namamayagpag nang walang kaso o parusa man lang.
(end)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.