AFP: Anti-terrorism law sa bansa masyadong mahina
Nanindigan si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Carlito Galvez na hindi niya babawiin ang naunang rekomendasyon na extension sa martial law sa Mindanao.
Ipinaliwanag ng opisyal na mismong ang mga local officials sa rehiyon ang nagsabi na mas kampante sila sa kaligtasan ng Mindanao sa pagpapatupad ng batas militar.
Pwede lang umano niyang bawiin ang kanyang rekomendasyon kapag na-amyendahan ang Human Security Act o anti-terrorism law.
Ito ay para mabigyan ng otorisasyon ang militar na arestuhin ang mga suspected terrorist at ikulong ang mga ito ng higit sa tatlong oras.
Sinabi ni Galvez na masyadong mahina ang anti-terrorism law sa bansa kaya namayagpag ang ilang mga armadong grupo sa mahabang panahon tulad ng New People’s Army.
Kundi pa umano magpapatupad ng martial law ay hindi pa masusugpo ang grupong Maute na sumakop sa Marawi City.
Sa December 31 ay nakatakdang magtapos ang pagpapatupad ng martial law sa buong Mindanao.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na makikinig sila sa magiging rekomendasyon ng security cluster kaugnay sa martial law extension.
Kamakailan ay ipinakita naman ng Philippine National Police ang kanilang record kung saan ay bumaba ang crime rate sa malaking bahagi ng Mindanao dahil sa pagpapatupad ng martial law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.