Oral Arguments sa Torre de Manila case, hiniling na ipagpaliban

torre de manila
Inquirer file photo/Marianne Bermudez

Hiniling ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema na ipagpaliban ang oral arguments sa kaso ng Torre De Manila na itinakda ng hukuman sa ika-30 ng Hunyo.

Sa mosyon na pirmado ni Solicitor General Florin Hilbay, hiniling nito na  ipagpaliban ng tatlumpung araw mula June 30 ang oral argument.

Paliwanag ng OSG, abala sa ngayon ang kanilang tanggapan sa paghahanda sa nakatakdang pagdinig sa reklamong inihain ng gobyerno ng Pilipinas laban sa China sa International Tribunal kaugnay ng agawan sa teritoryo ng West Philippines Sea.

Ang nasabing pagdinig na gagawin sa Peace Palace sa The Hague, Netherlands ay nakatakdang idaos mula ika-7 hanggang ika-13 ng Hulyo.

Kaya’t upang mabigyan din ng sapat na panahon ang OSG na paghandaan ang pagdinig sa kaso ng Torre De Manila na nangangailangan din  ng mabusising paghahanda, mainam  na maipagpaliban muna ang oral arguments sa kaso.

Ang OSG ang siyang kakatawan sa gobyerno ng Pilipinas para sa dalawang nabanggit na kaso. / Ricky Brozas

Read more...