Pinuno ng Aviation Security Unit sa NCR, sinibak na sa pwesto
Sinibak sa pwesto ang pinuno ng Aviation Security Unit sa National Capital Region (NCR) sa kasagsagan ng usapin sa mga insidente ng tanim o laglag bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinumpirma ng pinuno ng Aviation Security Group (AVSEGROUP) na si Chief Supt. Pablo Francis Balagtas na sinibak si Aviation Security Unit – NCR head Senior Superintendent Ricardo Layug, Jr.
Sinabi ni Balagtas na ang pagsibak kay Layug ay bahagi ng ‘rotation’ sa PNP.
Bagaman inamin ni Balagtas na may mga tauhan ng Aviation Security Unit na iniimbestigahan, hindi naman aniya nangangahulugan na ang pag-alis sa pwesto kay Layug ay dahil na sa isyu ng Laglag o Tanim Bala.
Si Layug ay papalitan ni Senior Superintendent Adolfo Samala. Maliban kay Layug, sinabi ni Balagtas na sinibak din ang kaniyang deputy.
Magugunitang naging kontrobersyal ang NCR unit ng AVSEGROUP matapos ang sunod-sunod na insidente ng mga pasaherong nahuhulihan ng bala sa NAIA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.