Humarap sa Meet Inquirer multimedia forum ang tatlo sa mga kilalang business leader sa bansa kahapon.
Sa naturang forum, ilang mga katanungan na may kinalaman sa ekonomiya ng bansa at ang kanilang mga naiisip na solusyon upang umasenso pa ang Pilipinas ang kanilang tinugunan.
Isa sa mga tanong sa mga tampok na bisita na sina shipping magnate Doris Magsaysay-Ho, Jaime Augusto Zobel de Ayala at Guillermo Luz, ay kung ano ang dapat na katangian ng isang lider upang mas mapabilis pa ang pag-asenso ng bansa.
Sa panig ni Ho, na chairperson ng APEC Business Advisory Council, dapat aniyang mai-ugnay ng susunod na lider ng bansa ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.
Dapat aniyang pagtuunan nito ang pag-uugnay ng bawat sektor ng lipunan upang maging isa ang direksyon na tinatahak ng bansa.
Ayon naman kay Ayala, bagaman maayos na ang ekonomiya ng bansa, kailangang mag-engganyo pa ng karagdagang investors upang madagdagan bilang ng may trabaho.
Paliwanag naman ni Luz, na COO ng 2015 APEC CEO summit, dapat maging inspirasyon ang isang lider sa kanyang mga tauhan dahil magiging susi ito upang maging mas masigla ang kilos ng bawat isa.