Sen. Poe sa pagpalag ng PNP chief sa imahe ng mga pulis sa “Ang Probinsyano”: Bato-bato sa langit, tamaan ay wag magalit
“Bato-bato sa langit, tamaan ay wag magalit.”
Yan ang reaksyon ni Senador Grace Poe kaugnay sa pag-alma ni Philippine National Police o PNP Chief Oscar Albayalde sa umano’y masamang imahe ng mga pulis sa teleseryeng “Ang Probinsyano” ng ABS-CBN.
Ayon kay Poe, sa modernong paglalahad ng “Ang Probinsyano,” lubos siyang nagpapasalamat na hindi lamang nirerespeto ang legasiya ng kanyang ama na si Fernando Poe Jr., kundi ipinapaalala rin ang kahalagahan ng pamilya, paggalang sa nakatatanda, kagitingan at pagmamahal sa bayan.
Ani Poe, may mga kontrabida sa kwento, at hindi lamang mga pulis.
Dahil dito, iginiit ni Poe marapat na tingnan ni Albayalde ang kabuuan ng istorya, na sa kasamaan ay may mga pulis na gaya ni “Cardo,” na ginagampanan ni Coco Martin, na ipaglalaban ang katuwiran at katotohanan.
Sa huli aniya ay magagapi ng mabuti ang kasamaan.
Dagdag ng senadora, ang pananaw ng mga manunuod sa mga pulis ay nakasalalay sa tunay na gawain ng mga ito at hindi sa teleserye.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.