Mula nang maging presidente si Duterte, hindi pa siya nagkaroon ng state visit sa Estados Unidos.
Sa serye ng post ni Locsin sa Twitter, sinabi nito na tinanong na raw siya ni United States Ambassador to the United Nations Nikki Haley noong nakalipas na taon kung bakit hindi pa rin dumadalaw si Presidente Duterte sa US.
Ang tugon umano niya, wala raw balak magtungo sa Amerika ang punong ehekutibo hangga’t hindi naibabalik ang Balangiga bells sa Pilipinas.
Dagdag ni Locsin, binanggit ni Haley na kapag naisauli na ang mga kampana ay wala na raw dapat excuse si Pangulong Duterte para hindi tanggapin ang imbitasyon ni US President Donald Trump.
Magbabalik na sa Pilipinas ang Balangiga bells, makalipas ang maraming dekadang pananatili ng mga ito sa Amerika.
Naisakatuparan ito makaraang iginiit ni Pangulong Duterte na kailangang maisauli ang mga kampana sa ating bansa, lalo’t parte ang mga ito ng kasaysayan.