Traffic ‘dry run’ sa EDSA para sa APEC, matagumpay
Sa kabila ng pagkainis ng mga motorista sa masikip na trapikong naranasan kahapon, itinuring na tagumpay ang ‘dry run’ ng exclusive lane Edsa para sa mga delegado ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic discipline office chief Cris Saruca, wala namang naitalang problema sa kanilang dry run na ginanap alas dos ng hapon ng Lunes sa southbound ng Shaw Boulevard hanggang Roxas Boulevard.
Ito ani Saruca ay isang patunay na kakayaning mapabilis at mapadali ang biyahe ng mga delegadong gagamit ng nasabing daan.
Tanging si Russian President Vladimir Putin ang lider na manunuluyan sa Shangri-La Plaza sa bahagi ng Shaw, habang ang karamihan sa mga delegado ay nasa Makati business district naman.
Para makapunta sa APEC meetings, kakailanganing bagtasin ni Putin ang daan kung saan nagsagawa ng dry run kahapon mula Shaw hanggang Philippine International Convention Center sa may Manila Bay.
Wala namang isinarang kalsada kahapon ani Saruca, dahil naglagay lamang sila ng plastic barriers sa dalawang innermost lanes ng nasabing bahagi ng EDSA, at dagdag pa niya, walang kahirap-hirap na nakadaan ang Presidential Security Group sa tinawag nilang ‘Putin Lanes’.
“Nilinaw naman ni MMDA Chairman Emerson Carlos na ang Presidential Security Group ang nanguna sa nasabing dry run, at tumulong lamang sila dito lalo na sa paglalagay ng mga plastic barriers.”
Sinabi rin ni Saruca na nasabihan naman ng maaga ang ahensya tungkol sa mangyayaring dry run ngunit hindi nila maaaring ilabas sa social media ang impormasyon.
Hindi pa naman aniya naitatakda ang magiging northbound simulation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.