Iloilo consumers sa PECO: Huwag mam-blackmail

By Erwin Aguilon November 15, 2018 - 12:08 AM

Umalma ang mga residente ng Iloilo sa naging pagbabanta ng Panay Electric Company (PECO) na ititigil nila ang kanilang operasyon sa Enero 19, 2019 kung hindi marerenew ang kanilang congressional franchise.

Una nang sinabi ni PECO legal counsel Atty. Inocencio Ferrer na ang Kamara at Senado ang siyang dapat na sisihin ng mga residente sa mararanasang citywide blackout dahil sa hindi pagrerenew ng kanilang prangkisa.

Bwelta naman ng mga residente na walang dapat na sisihin sa sinapit ng PECO kundi ang pamunuan nito na sa loob ng 95 taong operasyon ay hindi nagawang imodernisa at isabay sa panahon ang kanilang pasilidad na nagresulta sa madalas na inirereklamong brownout at mababang kalidad na serbisyo.

Kasabay ng pagkuwestiyon sa prangkisa ng PECO ay inaprubahan naman ng House of Representatives at Senado ang legislative franchise ng MORE Power and Electric Company na magoperate bilang distribution utility sa Iloilo.

Sa ngayon ay nanatiling nakabinbin sa House Committee on Legislative Franchise ang franchise renewal application ng PECO subalit tinututulan ito ng Iloilo City Council at may 25,000 residente na nakapirma sa “No to PECO” petition sa dahilang sa mahabang panahon ay hindi napagbuti ng utility firm ang serbisyo nito.

Nanindigan naman ang Department of Energy (DOE) na wala silang nakikitang problema sakaling hindi marenew ang PECO at bigyan ng bagong prangkisa ang ibang utility firm.

Binigyang katiyakan din ng DOE at Energy Regulatory Commission (ERC) na mananatiling maayos at walang antala sa supply ng kuryente sa Iloilo City.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.