UP pasok na sa Final Four ng UAAP men’s basketball

By Justinne Punsalang November 15, 2018 - 12:08 AM

Makalipas ang 21 taon ay muling nakapasok sa Final Four ng UAAP ang University of the Philippines Fighting Maroons.

Ito ay matapos nitong talunin kagabi ang De La Salle University Green Archers sa iskor na 97-81.

Nakuha ng UP ang ikatlong pwesto sa Final Four matapos magkaroon ng 8-6 win-loss record.

Bagaman mayroong kaparehong score card ang Green Archers, mas nakaungos ang Maroons dahil sa kanilang mas mataas na score quotient o ang resulta kapag dinivide ang puntos ng UP sa puntos ng kalaban sa bawat laro, kumpara sa La Salle.

Sakaling manalo ang Far Eastern University Tamaraws sa kanilang tapatan ng Adamson University Soaring Falcons ay magkakaroon ng playoff ang Tamaraws at Archers upang malaman kung sino sa kanila ang kukuha sa ikaapat na pwesto sa Final Four.

Sa ngayon kasi ay 7-6 ang win-loss record ng Tamaraws.

Ayon kay UP head coach Bo Perasol, sinabihan niya ang kanyang mga manlalaro na bibihirang oportunidad para sa kanila ang magkaroon ng pagkakataong makapasok sa Final Four kaya naman dapat ay magpursige sila na muling makasali sa semis ng torneo.

Si Juan Gomez De Liaño ang nanguna sa koponan matapos nitong makapagbigay ng 27 puntos.

Para naman sa La Salle, si Justine Baltazar ang nanguna sa kanyang 22 points.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.