Hindi bababa sa lima katao ang namatay makaraang magpang-abot ang dalawang armadong grupo sa lalawigan ng Maguindnao.
Ayon kay Councilor Anwar Emblawa, nangyari ang bakbakan ng dalawang grupo sa boundary ng mga bayan ng Datu Abdullah Sangki at Esperanza sa bayan ng Sultan Kudarat.
Kabilang sa mga sinasabing nasawi sa engkwentro ang isang Commander Boboy at Commander Pato.
Pawang mga magsasakang Moro umano ang mga armadong grupo na nag-aagawan sa teritoryo sa lugar.
Agad namang ipinag-utos ng lokal na pamahalaan na pumagitna sa sigalot upang mahinto ang bakbakan ng magkabilang panig at upang maiwasang madamay ang mga sibilyan.
Bukod sa lokal na pulisya, nagpadala na rin ng karagdagang puwersa ang 33rd Infantry Battalion sa apektadong mga barangay upang magsilbing tagapamayapa sa nag-aaway na mga Moro farmers.
Ayon kay Mayor Bai Miriam Sangki-Mangudadatu, matagal nang nagtatalo ang dalawang grupo ng mga magsasakang Moro sa malawak na lupain na dating pag-aari ng Alamada clan na hawak na ngayon ng mga Moro settlers.