Naghain ang isang residente sa Taguig ng petisyon laban sa kandidatura ng mag-asawang sina dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Taguig City Mayor Lani Cayetano sa dalawang magkahiwalay congressional districts ng lungsod.
Isang Leonides Buac ang humiling sa Commission on Elections (COMELEC) na makansela ang certificates of candidacy (COC) ng mag-asawang Cayetano dahil sa kulang na residency requirement.
Nais din ni Buac na matanggal ang mag-asawang Cayetano sa listahan ng opisyal na mga kandidato sa 2019 elections.
Binanggit sa petisyon ang paghain ng mag-asawa ng kani-kanilang COC sa magkaibang distrito ng Taguig kahit sila ay kasal at obligadong manirahan sa isang bahay.
Sa kanyang COC para sa pagtakbo bilang first district representative ay nakalagay na nakatira ang dating kalihim sa Barangay Bagumbayan habang ang alkalde na tatakbong kinatawan ng second district ay sa Fort Bonifacio ang address.
Sinabi rin ng petitioner na ang mag-asawang Cayetano ay kulang sa minimum residency qualification alinsunod sa 1987 Constitution para sa mga miyembro ng House of Representatives.
Sa kanyang tugon ay sinabi naman ni Alan Peter handa silang sagutin ang petisyon ng punto kada punto.