Upang wala nang makatakas na drug convicts na nakalinya sa death row sa Indonesia, nagpanukala ang kanilang anti-drug agency na magtayo ng isang piitan sa isla na napaliligiran ng mga buwaya.
Ito ang pet project ni anti-drug chief Budi Waseso, sa paniniwalang mas magiging mabisang tagabantay ang mga buwaya para hindi makatakas ang mga preso dahil hindi naman nasusuhulan ang mga ito tulad ng mga guwardya.
Nagbabalak na rin mag-ikot sa buong Indonesia si Waseso upang humanap ng pinaka mababangis at matatapang na buwayang maaaring ilagay sa pinaplanong kulungan.
Kinumpirma rin ng tagapagsalita ng kanilang anti-drugs agency na pinagiisipan na ng mga otoridad ang pagtatayo ng hiwalay o espesyal na piitan para lamang sa mga drug traffickers upang hindi na sila makapag-recruit pa ng iba pang mga preso.
Gayunman, nasa unang bahagi pa lamang sila ng pagpa-plano, dahil wala pa naman silang lokasyon na napipili, maging ang petsa kung kailan nila ito target buksan.
Nakikipagusap pa ang nasabing ahensya sa kanilang justice ministry tungkol sa plano.
Mababatid na ang Indonesia ay isa sa mga bansang may malupit na parusa laban sa mga drug convicts, dahil pinapatay ang mga nahahatulan sa pamamagitan ng firing squad.
Malakas kasi ang paninindigan ni Pangulong Joko Widodo na dapat harapin ng mga drug convicts ang ganitong kaparusahan upang mapuksa ang dumadaming bilang ng mga drug traffickers sa bansa.