Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa Silangan ng Mindanao.
Sa 4am weather advisory ng ahensya, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 95 kilometro Timog-Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Patuloy namang makakakaapekto ang northeast monsoon o hanging Amihan sa Northern at Central Luzon kabilang na rin ang Metro Manila
Makararanas ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-uulan sa Batanes at Babuyan Group of Islands dahil sa epekto ng Amihan.
Dahil naman sa LPA, makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang Palawan, Eastern Visayas, at ang buong Mindanao.
Sa nalalabing bahagi naman ng bansa ay maganda at maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Samantala, isang low pressure area pa ang binabantayan ng PAGASA sa kasalukuyan.
Malayo pa ito sa bansa at huling namataan sa layong 3,045 kilometro Silangan ng Mindanao.
Sa Linggo o Lunes, posible na itong pumasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at posible ring maging bagong bagyo.