Pagkamit sa kapayapaan sa Korean Peninsula, suportado ng Pilipinas

Nagpahayag ng suporta ang Pilipinas sa nagaganap na mga negosasyon para matamo ang pangmatagalang kapayapaan sa Korean Peninsula.

Sa working dinner kasama ang mga kapwa lider ng ASEAN, hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga concerned parties na ipagpatuloy ang mga nasimulan para sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

Iginiit ng presidente na suportado nito ang tuluyang denuclearization ng Korean Peninsula.

“We urge concerned parties to continue working towards the realization of lasting peace and stability, and reiterate our support for the complete, verifiable, and irreversible denuclearization of the Peninsula,” ani Duterte.

Matatandaang umaarangkada sa kasalukuyan ang dayalogo ng dalawang Korea para tapusin na ang ilang dekadang sigalot.

Nagkaroon na rin ng pulong sina North Korea leader Kim Jong Un at US President Donald Trump noong Hunyo para himukin ang Pyongyang na ihinto ang nuclear programs nito.

Samantala, sa kaparehong talumpati, iginiit din ni Duterte na suportado ng Pilipinas ang papel ng ASEAN para tugunan ang pangangailangan ng mga Rohingya Muslims sa Myanmar.

Ayon sa presidente, dapat solusyonan ng ASEAN ang pinakasanhi ng problema sa Rakhine state at tulungang makabangon ang mga apektadong komunidad.

“We must together address the root causes and create a conducive environment for affected communities to rebuild their lives,” ani Duterte.

Read more...