Halos 80 private armed groups binabantayan ng PNP

Inquirer File Photo

Habang papalapit nang papalapit ang 2019 midterm elections ay patuloy na binabantayan ng Philippine National Police (PNP) ang 77 mga private armed groups sa buong bansa.

Ayon kay PNP Spokesperson Chief Superintendent Benigno Durana, Jr., bukod sa naturang mga armadong grupo ay minomonitor din ng kanilang hanay ang nasa 167 pang mga grupo.

Ani Durana, lumalaganap ang mga armadong grupo kapag panahon ng halalan dahil mayroong ilang mga kandidato na kumukuha sa mga ito upang ipantapat sa kanilang mga kalaban sa pulitika.

Tinatayang nasa 2,050 ang miyembro ng 77 mga kilalang armadong grupo at mayroong silang nasa 1,065 na mga armas.

Ang potential private armed groups naman ay mayroong 2,030 mga miyembro at 1,670 na mga armas.

Batay sa datos ng pambansang pulisya, 72 sa 77 mga private armed groups ay matatagpuan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

Dalawa naman ang nasa Cordillera Administrative Region (CAR), at tig-iisa sa Central Luzon, CALABARZON, at Bicol region.

Read more...