Motorcycle rider patay matapos magulungan ng truck sa Maynila

By Justinne Punsalang November 14, 2018 - 03:24 AM

Agad na nasawi ang isang motorcycle rider matapos itong maaksidente at magulungan ng truck sa Pandacan, Maynila.

Makikita sa CCTV footage sa kahabaan ng Zamora Street na sakop ng Barangay 838 na mayroong kabilisan ang patakbo ni Allan Rivera sa kanyang motorsiklo.

Mayroon umanong posibilidad na sumemplang sa madilim na bahagi ng kalye ang biktima, kaya naman hindi ito napansin ng driver ng 12-wheeler truck.

Pumailalim sa truck ang katawan ni Rivera, dahilan upang magulungan ang kanyang ulo. Habang ang motorsiklo naman nito ay hindi man lang napinsala.

Giit pa ng driver na si Edilberto Manayao, hindi niya nakita ang rider lalo na’t sa blind spot ng kanyang truck ito nanggaling. Dagdag pa nito, mabagal lamang ang kanyang patakbo.

Todo-hingi ng tawad ang driver ng truck sa pamilya ng biktima.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng mga otoridad ang aksidente. Nabatid na nanggaling pa ng Cavite ang truck at pabalik na ng Montalban, Rizal matapos itong magbaba ng graba.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.