DOLE bumuo ng Inter-Agency Team na tutulong sa OFWs na biktima ng “laglag bala”
Bumuo ng DOLE Inter-Agency Team si Labor Sec. Rosalinda Baldoz na naatasang magbantay at tumugon sa mga kaso ng Overseas Filipino Workers na umanoý nabiktima ng “laglag bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang Inter-Agency Team ay binubuo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA); Overseas Workers Welfare Administration (OWWA); International Labor Affairs Bureau (ILAB); Legal Service (LS); at Labor Communications Office (LCO).
Pamumunuan ni Undersecretary Ciriaco A. Lagunzad III ang DOLE Inter-Agency Team upang makipag-tulungan sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan, tulad ng Manila International Airport Authority (MIAA), Office for Transportation Security (OTS), Philippine Aviation Security Group, Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at Public Attorney’s Office (PAO).
Sinabi ni Baldoz na kung ang isang OFW ay hinuli dahil sa umanoý pagdadala ng bala, ang POEA at OWWA ay agad na tutulong sa nasabing OFW sa pamamagitan ng kani-kanilang Labor Assistance Center at Welfare Officers na matatagpuansa paliparan.
Kasama sa tulong ng DOLE ay ang pagbibigay ng legal na payo; psycho-social counselling; libreng tawag sa pamilya, kaibigan, recruitment agency, o abogado; at pagkain at pansamantalang matitirahan.
Dapat agad ipaalam ng POEA at OWWA at sa ILAB ang sinumang OFW na mahuhuli o masasangkot sa nasabing modus operandi.
Sa kabilang banda, ipagbibigay-alam naman ng ILAB sa kinauukulang Philippine Overseas Labor Office (POLO) na siyang mag-aabiso sa foreign agency o employer sa kalagayan ng OFW, at kung maaari, ipakiusap na bigyan ng sapat na panahon ang OFW upang ayusin ang nasabing problema.
Dapat ding ipaalam ng POEA sa recruitment agency ang nasabing insidente para sa anumang tulong, katulad ng koordinasyon sa foreign principal/employer at ang posibleng paglipat nito sa ibang employer kung sakaling nawala ang trabahong nakalaan sa OFW.
Dapat din itong magpalabas ng paalala sa recruitment agencies at OFWs sa mga pamamaraan para makaiwas na mabiktima ng nasabing modus operandi.
Inatasan din ng Kalihim ang OWWA na isama sa kanilang Pre-departure Orientation Seminars (PDOS) ang paalala sa maaaring mangyari sa isang OFW na makukuhanan ng bala sa kanilang pag-alis at para huwag silang mabiktima ng “laglag bala”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.