Pampanga solon itinanggi na siya ang nasa road rage viral video

By Den Macaranas November 13, 2018 - 06:00 PM

Mariing itinanggi ni Pampanga1st District Rep. Carmelo “Jon” Lazatin II ang mga ulat na ang kanyang anak ang nakunan ng video na nananakit ng isang kapwa motorista sa Mc. Arthur Highway sa Angeles City, Pampanga.

Nauna nang kumalat sa social media ang nasabing viral video kung saan ay makikitang sinusuntok ng driver ng isang Toyota FJ Cruises na may plakang “8” ang lalaking driver ng isang kulay pulang sedan.

Iginiit ng mambabatas na posibleng pinalulutang na anak niya ang nasabing lalaki dahil naganap ang insidente sa kanyang distrito.

Hinala ni Lazatin, ginagamit lamang ng tunay na may sala ang isyu para malusutan nito ang kanyang pananagutan.

Tutulong rin umano ang mambabatas na makilala ang nasabing suspek.

Samantala, sa isang hiwalay na video ay muling nakunan ng camera ang ginawang panggi-gitgit ng naturang FJ Cruiser sa isang motorista na nauna sa kanya sa isang linya ng kalsada.

Bagaman hindi nagpakilala ang sakay ng ginigitgit na sasakyan, maririnig sa background na isa itong babae at nagawa pa niyang komprontahin ang sakay ng FJ Cruiser na gumitgit sa kanya.

Nangako naman ang lokal na pulisya sa Angeles City na makikipag-ugnayan kaagad sila sa land Transportation Officer para makilala nasabing lalaki na supek sa pananakit.

Nananawagan rin sila sa publiko na maaaring makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan o kahit sa pamamagitan ng social media para makilala ang nasabing driver ng Toyota FJ Cruiser na may plakang “8”.

TAGS: fj cruiser, jon lazatin, Road Rage, viral video, fj cruiser, jon lazatin, Road Rage, viral video

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.