Mismong si Philippine Air Force Commander Lt. Gen. Jeffrey Delgado ang sumakay sa test flight ng isa sa dalawang biniling FA-50 lead-in fighter jets mula sa South Korea.
Ito ang kinumpirma ni Col. Enrico Canaya, ang tagapagsalita ng PAF.
Ipinaliwanag ni Canaya na nagsilbing co-pilot si Delgado ng lead-in fighter jet na inaasahang darating sa bansa bago matapos ang taon.
Ayon pa kay Canaya, supersonic o mas matulin pa sa speed of sound ang nasabing uri ng two-seater jet na malaki ang maitutulong sa pwersa ng ating militar hindi lamang sa panloob na problema kundi pati na rin sa pagpapatrolya sa ating borders.
Idinagdag pa ng opisyal na nangangahulugan ito na muling magkakaroon ng mga fighter jet ang kanilang hukbo matapos i-decommissioned ang mga F5 jet fighters noong taon 2004.
Nabatid na nagkakahalaga ng P18.9 billion ang dalawang bagong fighter jets na ginawa ng Korean Aerospace Industry at bukod pa sa halaga nito ang mga ilalagay na armas.
Bumili ang Department of National Defense ng isang dosenang FA-50 jets mula sa orihinal na plano na isang squadron o dalawampu’t apat na piraso dahil sa problema sa pagkukunan ng pondo.