Panukalang nagbabawal sa corporal punishment sa mga bata lusot na sa Kamara

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ang panukalang batas na nagbabawal sa corporal punishment sa mga bata.

163 na mga mambabatas ang pumotong pabor sa House Bill No. 8239 o Positive and Non-Violent Discipline of Children Act.

Sa ilalim ng naturang panukala, ipinagbabawal na ang pisikal at nakahihiyang uri ng pagpaparusa sa mga bata.

Partikular na ipinagbabawal ang mga parusang magdudulot ng pisikal na sakit at anumang gawain na magpaparamdam ng takot at kahihiyan sa bata.

Ang mga mapapatanuyang lumabag sa panukala ay kinakailangang dumalo sa seminar tungkol sa positive discipline, anger management, at children’s right; sumailalim sa counseling o therapy; o anumang rehabilitative services.

Maging ang mga batang naparusahan ay posibleng isailalim din sa counseling kung kinakailangan.

Nauna nang inaprubahan sa Senado ang counterpart bill at nakatakda nang magsagawa ng bicameral conference committee upang pag-isahin ang dalawang panukala bago isumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Read more...