Miyembro ng political clan sa Quezon pinatay sa sariling bahay

Hindi na nagising pa ang isang miyembro ng political clan at suspek sa iligal na droga matapos itong barilin habang natutulog sa Barangay Isabang sa Tayabas City, Quezon.

Kinilala ang nasawing biktima na si Cer Orillez Alcala na pinakabatang anak ni Cerilo “Athel” Alcala at sinasabing bigtime drug lord sa lugar.

Ang biktima ay pamangkin nina Quezon Second District Representative Vicente Alcala at dating Agriculture Secretary Proceso Alcala.

Ayon kay Quezon Police Provincial director, Senior Superintendent Osmundo de Guzman, natutulog si Alcala sa loob ng kanyang bahay nang pasukin ito ng dalawang hindi nakilalang mga gunman.

Pinaputukan ito ng mga salarin gamit ang hindi pa batid na kalibre ng baril bago agad na tumakas.

Dinala pa sa Lucena Doctors Hospital si Alcala ngunit dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo ay nasawi rin ito.

Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya tungkol sa insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa pamamaslang.

November 2016 nang maaresto si Alcala, kapatid na si Sajid, at apat na iba pa matapos mahulihan ng 62 gramo ng shabu sa bayan ng Sariaya.

Read more...